I DREAMED TO BE A WRITER.
..... I'M A PUBLISHED WRITER NOW.
..... PERO MARAMI PA KONG KAKAINING KALDERETA.
-November 3, 2011. pagkatapos ng dalawang returned novels, sa wakas ay may ms na ko na na-approve sa PHR. masayang-masaya pa ko no'n at walang ni katiting na clue sa mga hirap at pagsubok pala na susubok sa tatag ng loob ko sa propesyong ito.
-akala ko no'n, magaling na ko. kaya nagpasa ako ng dalawang ms. ayun, lagapak. parehong returned ang resulta. (napapala ng kayabangan). nagmuni-muni muna ako at inaral ko kung bakit pumasa `yong isa samantalang lagapak `yong dalawa.
-January 2012, dahil na-inspire ako sa rooftop at firecrackers. isang plot at mga eksena ang naglaro sa isip ko. sinulat ko agad un. natapos ko siya in one week at agad na pinasa. pumasa siya sa Dream Love.
-katapusan ng Enero, nakatanggap ako ng text message mula sa editor ko sa first novel ko under PHR. pinapagawan ng sequel ung nobela ko.
PRESSURE, dude. sobrang pressured ako. saka ko na ikukuwento kung bakit. bago ko siya gawin, dalawang ms muna ang niyari ko sa buwang ito.
-March 2012. hindi ko in-e-expect na magkasunod na ma-approve ang dalawang ms ko. sa sobrang inspired ko, tatlong novels ang natapos ko sa buwang ito. tag-i-isang linggo ko sila sinulat. ah, nasulat ko rin pala sa buwang iyon `yong sequel na pinapagawa sa'kin. bale, apat silang niyari ko.
-heto na. na-release na ang first novel ko last April 10, 2012. ang FROM SATURN WITH LOVE (under PHR). super saya ko ng panahong ito.
-pero ilang araw lang, inatake ako ng insecurity. may nabasa kasi akong magandang novel. inferiority complex, yes. parang feeling ko, wala akong kuwenta. hindi maganda `yong mga gawa ko kompara sa kanila. ang hirap at ang sakit sa kalooban na malamang yong bagay na hirap na hirap kang gawin, madaling nakukuha ng ibang tao. naisip ko, siguro sila, pinanganak talaga para sa pagsusulat. hindi tulad ko. pakiramdam ko, pinagpipilitan ko lang ang sarili ko sa larangang ito. alam mo `yong lahat sila magaling kaya anng liit-liit ng tingin mo sa sarili mo? ganun ung feeling ko.
-isang buong araw ako umiyak at hindi nakapagsulat sa sobrang baba ng tingin ko sa kakayahan ko. e totoo naman kasing hindi pa ko magaling.
-dumating ang nagpabalik sa confidence ko. ung tatlo sa pinasa ko last March, na-approve nitong April 2012. dalawa sa PHR, isa sa DL. then, ung dalawang ms na pinasa ko no'ng Abril, pumasa rin nitong May lang. kaya lang, `yong tatlong sinulat ko this May, revised ang resulta. na-release din nitong May 15, 2012 `yong pangalawa kong nobela.
-anyway, hindi ko sinulat ang lahat ng ito para ipagmayabang kung ilan na ang approved ko. what i'm trying to say is, many people might think that i already fulfilled my dream. pero sa tingin ko, malayo pa ko. hindi ko pa matatawag na writer ang sarili ko dahil wala pa kong napapatunayan. baguhan pa lang ako sa mundong pinasok ko.
-madalas akong umiyak. iniiyakan ko ang mga manuscript na sinusulat ko dahil sa sobrang hirap. hindi siya madali. hindi siya puro pasarap. dugo, pawis at braincells ang kapalit ng bawat letrang tinitipa ko. dumarating pa rin ako sa puntong naiinggit ako sa narating na ng mga writers na kilala ko. naiinggit ako sa mga nagawa nila. sa tagumpay nila. no'ng una, nilalamon ako ng inggit na `yon. ginusto kong sumuko. dumating ako sa puntong hindi ako nagsulat at nag-self-pity lang ako.
-pero wala akong napala. hinanap ko ang sarili ko. binasa ko lahat ng approved ms ko. binalikan ko `yong naramdaman ko nang ma-approve ang mga iyon. kung ga'no ako kasaya no'n. inalala ko kung bakit ako nagsusulat. tapos, sabi ko sa sarili ko:
"ah, oo. pangarap ko nga pala ito."
-ngayon, nagsusulat pa rin ako. at nadagdagan ang rason ko sa pagsusulat sa bawat pahayag ng pagsuporta ng mga taong nakabasa sa dalawang nobela ko na na-release na. gusto ko silang mapasaya. i write to make them happy.
-inilalagay ko ang puso ko sa bawat letra at bawat salitang nasa nobela ko. minamahal ko ang mga tauhan ko. umiiyak ako kapag umiiyak sila. natatawa ako sa mga kakornihan nila. kinikilig sa mga eksena nila. at ang mga pakiramdam na iyon ang gusto kong maramdaman din ng mga mambabasa ko.
-marami pa kong kakaining kaldereta. hindi pa ko magaling. marami pa kong dapat i-improve. nakakaiyak pero para sa sarili ko, para sa mga taong sumusuporta sa'kin at para sa mga taong gusto kong pasayahin sa pamamagitan ng mga nobela ko, sisikapin kong maging mas mahusay pa.
-hindi natatapos sa pagka-approve ng isang manuscript ang pagsubok sa isang manunulat. simula pa lamang iyon. nariyan ang feedback ng tao, ang challenge na mas mapaghusay mo pa ang pagsusulat mo at ang insecurity. hindi nawawala iyon. mahirap oo. pero dahil masaya ako rito,
i won't give up.
maraming salamat at sana, may na-inspire sa mga sinabi ko. :)
bow.
-Luna King